Nahayag Ang Mga Hiwaga



Noong nagpapasimula ang pagmi-ministeryo ni Kapatid na Branham naging malinaw na mga organisasyong pang-relihiyon lang ang itinataguyod ng sistemang maka-denominasyon, at hindi ang tunay na Ebanghelyo. Sinasampalatayanan ni Kapatid na Branham ang Biblia mula sa pinakaunang Salita hanggang sa pinakahuling Salita, at hindi kailanman lalagay sa isang kompromiso, kahit na itakuwil pa siya ng mga kasamahan, kaibigan, o kapamilya man.

Noong kasapi pa siya ng Iglesya ng Missionary Baptist, naatasan siyang mag-ordena ng mga kababaihang ministro. Subalit, alam na alam nga niya ang Mga Kasulatan. Hayag na sinasabi roon sa I Timoteo 2:12, “Ngunit hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik,” at maging sa I Mga Taga-Corinto 14:34 ang sabi dun, “Ang mga babae ay magsitahimik sa mga iglesia: sapagkat sila’y walang kapahintulutang mangagsalita…” Hindi ito panunuligsa laban sa mga kababaihan, ngunit klarong-klaro ang Biblia sa paksang ito. Noong pinatawan na siya ng ultimatum, hindi niya kayang lumagay sa isang kompromiso kaya’t nilisan niya ang naturang iglesya.

Hindi lamang iyon ang Kasulatang lubos na pinagsasawalang-bahala ng mga denominasyon. Inihayag ng Diyos kay Kapatid na Branham ang katotohanan patungkol sa bautismo. Papaano naman kasing mag-uutos si Jesus na, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo,” samantalang ang lahat ng pagbabautismong naitala sa Biblia ay sa Pangalan ni Jesus? Inutos ni apostol Pedro sa Mga Gawa 2:38 na mangagsisi at mangagbautismo sa pangalan ni Jesus Cristo. Lubos na magkakatugma ang mga Kasulatan sa isa’t isa, subalit kinakailangan ng isang propeta upang ihayag ang mga lihim na ito: ang “Ama” ay hindi pangalan, ang “Anak” ay hindi pangalan, at ang “Espiritu Santo” ay hindi pangalan. Kagaya na lang na ang isang lalaki’y ama ng kanyang mga anak, anak ng kanyang mga magulang, at kuya ng kanyang mga kapatid, subalit ang kanyang pangalan ay hindi “ama,” “anak,” o “kuya.” Ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay titulo para sa Pangalan ni Jesus Cristo. Ang Mateo 28:19 at Mga Gawa 2:38 ay lubos na tugmang-tugma sa isa’t isa.

Maging ang orihinal na kasalanan sa Halamanan ng Eden ay nahayag, na hindi pagkain ng bungang kahoy, kundi isang bagay na higit na nakabibigla. Papaanong maipapaalam ng pagkain ng pirasong bungang kahoy kina Adan at Eba na mga hubad sila? Wala ngang malinaw na kaugnayan iyon. Ano bang kinalaman ng mansanas sa kahubaran? Malinaw na inihayag ng propeta ng Diyos ang lihim na ito.

Sino yaong dalawang anghel na binabanggit sa ika-2 at ika-3 kabanata ng Apocalipsis? Marahil pamilyar ang kanilang pangalan.

Sino yaong mga misteryosong mangangabayo sa ika-6 na kabanata? May isang napakahalagang bagay silang magkakapareho.

Nabanggit ba ang Estados Unidos sa Aklat ng Apocalipsis?

Sino yaong 144,000 na naligtas sa ika-7 kabanata?

Sino naman yaong dakilang patutot sa ika-17 kabanata? Nahayag ang kanyang pagkakakilanlan at ang lahat ng mga lihim na ito sa pamamagitan ng Mensahe nitong dakilang propetang isinugo ng Diyos.

Hindi lang pinalolooban ng di-mabilang na himala ang lalaking ito, bagkus nahayag din sa kanyang pagmi-ministeryo ang mga hiwaga ng Bibliang naitago sa paglipas ng mga kapanahunan. Malinaw na malinaw na hindi lang Malakias 4 ang tinupad ng propetang ito kundi iba pang Kasulatan.

Apocalipsis 10:7: Kundi sa mga araw ng tinig ng ikapitong anghel, pagka malapit nang siya’y humihip, kung magkagayo’y ganap na ang hiwaga ng Diyos, ayon sa mabubuting balita na kanyang isinaysay sa kanyang mga alipin na mga propeta.

Sumisigaw ang isang Tinig upang palabasin ang sankatauhan mula sa mga denominasyon pabalik sa orihinal na Salita ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay nabigyan ng pagkakataong gaya nung pagkakataong nakamit nila Pedro, Santiago, at Juan. Mayroon na tayo ngayong pagkakataong maibilang sa hinirang ng Diyos na kakaunti na hinding-hindi yuyuko sa mga organisasyong pang-relihiyon ng kapanahunan.

Nasusulat sa Banal na Kasulatan ang mga buhay at gawa ng mga taong nagsilakad kasama ang Diyos at nakatanggap ng pahid ng Kanyang Espiritu na kanilang maipapahayag na GANITO ANG SABI NG PANGINOON, at ang kanilang mga pahayag ay pinapatotohanan ng mga di-mapasusubaliang mga tanda at mga kababalaghan. Sila ang mga propeta ng Diyos, ang Tinig ng Diyos para sa kanilang henerasyon.

Iba na nga ba ang panahon ngayon kumpara dun sa panahon noong naririto pa si Jesus sa lupa? Mga lider ng relihiyon ang nagpapako sa Kanya. Napakakaunti lamang ng mga disipulo kumpara sa naglalakihang sistemang pang-relihiyon noong araw. Ang mga disipulo’y itinakuwil, kinutya, at pinatay pa nga dahil nanindigan silang lumaban sa sikat at kinamulatang sistemang maka-denominasyon. Marahil ay hindi na tayo ngayon pinapatay dahil sa ating mga paniniwala, subalit pihadong nakararanas tayo ng pang-aapi. Gaya nung mga Fariseo at mga Saduceo noong araw, hindi nila maitanggi ang mga himalang napapaloob sa pagmi-ministeryo ni Kapatid na Branham kaya naman bumaling sila sa kung anu-anong panunuligsa. Marahil maririnig mong kesyo bulaang propeta siya, lider ng kulto, o matindi pa riyan. Sa totoo, isa siyang mapagpakumbabang tao ng Diyos at nanindigan siyang mainam laban sa mga denominasyon at mga kultong nagnanais angkinin at bakuran ang bayan ng Diyos. Tinuligsa nila si Jesus gaya ng pangaangkin at pamamakod nila ngayon noong Kanyang kalabanin ang kanilang mga dogma at mga tradisyon.

Kinilala ng Diyos ang pagpupursige ni Kapati na Branham na sampalatayanan ang bawat Salita sa Biblia, at Kanyang ginagamit ang kanyang pagmi-ministeryo upang akayin ang milyun-milyong kaluluwa patungo kay Jesus Cristo. Sa kasalukuyan, ang Tinig ng Ikapitong Anghel ay patuloy na rinig na rinig pa rin gaya noon. Aabot na sa dalawang milyong katao sa buong mundo ang naniniwala sa Mensahe ni Kapatid na Branham. Marahil napakaliit na bilang lamang nito kumpara sa dalawang bilyong nag-aangking sila’y mga Cristiano, subalit kailan pa ba hindi kakaunti ang mga tao ng Diyos?

Sa ngayon ay mayroon tayong 1,200 pangangaral na nai-rekord na naglalaman ng Tinig na binanggit sa propesiyang mangyayari doon sa Apocalipsis 10:7. Ang bawat isa sa mga pangangaral na ito’y naghahayag ng napakarami pang hiwaga ng Diyos. Ang Tinig na ito’y maaari mong mapakinggan kung nakapagpasya ka nang pakinggan Ito.

 

NASA IYO ANG DESISYON

Ni minsa’y hindi ako nagdala ng mensahe sa mga tao para sumunod sila sa akin, o umanib sila sa aking iglesya, o magpasimula sila ng mga samahan o organisasyon. Hindi ko kailanman ginawa iyan at hindi ko iyan kailanman gagawin ngayon. Wala akong paghahangad sa gayong mga bagay, subalit ako nga’y may paghahangad sa mga bagay na nauukol sa Diyos at mga tao, at kung aking magagawa lamang ang bagay na iyon ay masaya na ako roon. Ang bagay na iyon ay ang matiyak kong naitatag ang isang tunay na espirituwal na ugnayan sa pagitan ng Diyos at mga tao, kung saan ang mga tao ay magiging mga bagong nilalang kay Cristo, puspos ng Kanyang Espiritu at namumuhay nang naaayon sa Kanyang Salita. Ako nga’y mag-aanyaya, magsusumamo at magbababala sa lahat na dinggin ang Kanyang tinig sa panahong ito, at ipauubaya ko nang lubos ang inyong mga buhay sa Kanya, tulad ng pagtitiwala ko sa aking puso na aking naibigay na nga ang aking lahat-lahat sa Kanya. Pagpalain kayo ng Diyos, at nawa’y ang Kanyang pagparito ay magpagalak sa inyong puso.

Rev. William Marrion Branham

 

 

 

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagmi-ministeryo ni Reverend William Marrion Branham at kung paano magkakakuha ng kanyang mga pangangaral,
maaring bisitahin o sumulat sa:

THEMESSAGE.COM

P.O. Box 950
Jeffersonville, IN 47131, USA
812-256-1177