Mga Awit 96:13
Sa harap ng PANGINOON; sapagka’t siya’y dumarating: sapagka’t siya’y dumarating upang hatulan ang lupa: kaniyang hahatulan ng katuwiran ang sanglibutan, at ng kaniyang katotohanan ang mga bayan.
May libo-libong mga iba’t ibang denominasyon sa sanlibutan ngayon. Kinokondena ng bawat relihiyon ang iba pa, gayunma’y nangangako silang lahat ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanilang denominasyon. Papaano natin malalaman kung alin ang pipiliin?
Kung pipiliin natin ang simbahang Katoliko, kung gayo’y tinatanggap natin ang pamamagitan ng mga santo, na higit pa sa pananalangin sa mga diyus-diyosan. Sinasabi ng Biblia, “Sapagkat may isang Diyos, at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus;” (I Tim 2:5). Tinatawag ang pari na “Ama” na ipinagbawal ni Jesus sa Mat 23:9: “At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa: sapagkat iisa ang inyong Ama, sa makatuwid baga’y siya na nasa langit.” Sinasabi sa atin ng Assemblies Of God na ang pagsasalita sa iba’t ibang wika ay ang pangunahing katunayan ng Espiritu Santo, gayong sinabi ni Pablo, “Kung ako’y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, datapuwat wala akong pag-ibig, ay ako’y naging tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw.” (I Cor 13:1)
Kaagad na sasabihin sa atin ng halos lahat ng mga denominasyon na maraming bagay sa Biblia ang mali ang pagpapaliwanag, nawala na sa salin, o hindi na akma sa kasalukuyang daigdig. Kaya, dapat ba nating paniwalaan ang Biblia o ang mga doktrinang makadenominasyon? Ano ba ang gagamitin ng Diyos bilang pamantayan sa paghatol?
Kung tatanungin ko ang mga Katoliko rito ngayong gabi, “Ano sa palagay ninyo ang gagamitin na panghatol ng Diyos sa sanlibutan?” Sasabihin ng Katoliko, “Sa pamamagitan ng Simbahang Katoliko.” Sige, ngayo’y anong Simbahang Katoliko? Ngayon ay mayroon na silang Romano, ang Greek Orthodox, at marami pang iba. Aling Simbahang Katoliko kaya ito? Sinasabi ng Lutheran, “Sa pamamagitan namin,” kung gayo’y labas na kayong mga Baptist. At pagkatapos kung sasabihin natin, “Sa pamamagitan ng Baptist,” kung gayo’y labas na kayong mga Pentecostal. Kaya magkakaroon ng malaking kalituhan, walang may alam kung ano ang gagawin; kaya’t hindi Niya kailanman ipinangakong hahatulan Niya ang sanlibutan sa pamamagitan ng iglesya.
Ipinangako Niyang hahatulan Niya ang sanlibutan sa pamamagitan ni Cristo, at si Cristo ay ang Salita. At ang Biblia ang hahatol sa sanlibutan, na si Jesus Cristo siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.
Mga Sanggunian
Juan 1:1
Nang pasimula siya ang Salita, at ang Salita ay sumasa Dios, at ang Salita ay Dios.
Juan 1:14
At nagkatawang-tao ang Salita, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.
Juan 5:22
Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;
Juan 12:48
Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw.
Mga Taga Efeso 1:5-7
Na tayo’y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,
Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal:
Na sa kaniya’y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,
Mga Taga Efeso 2:5-8
Bagama’t tayo’y mga patay dahil sa ating mga kasalanan, tayo’y binuhay na kalakip ni Cristo (sa pamamagitan ng biyaya kayo’y nangaligtas),
At tayo’y ibinangong kalakip niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus:
Upang sa mga panahong darating ay maihayag niya ang dakilang kayamanan ng kaniyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin kay Cristo Jesus:
Sapagka’t sa biyaya kayo’y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito’y hindi sa inyong sarili, ito’y kaloob ng Dios;
I Juan 1:7
Nguni’t kung tayo’y nagsisilakad sa liwanag, na gaya niyang nasa liwanag, ay may pakikisama tayo sa isa’t isa, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak sa lahat ng kasalanan.
Apocalipsis 22:18-19
Aking sinasaksihan sa bawa’t taong nakikinig sa mga salita ng hula ng aklat na ito, Kung ang sinoman ay magdagdag sa mga ito, ay daragdagan siya ng Dios ng mga salot na nakasulat sa aklat na ito:
At kung ang sinoman ay magalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito, ay aalisin ng Dios ang kaniyang bahagi sa aklat ng buhay, at sa bayang banal, at sa mga bagay na nangakasulat sa aklat na ito.