Isang Propeta?



Sa Biblia, laging inihahayag ng Diyos ang Kanyang Mensahe para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng propeta ng kapanahunan. Nangusap siya kay Moises sa pamamagitan ng nagniningas na kahoy at inatasan siyang pangunahan ang mga Hebreo palabas ng Egipto. Ipinagkaloob sa kanya ang nariya’t nakikitang Haliging Apoy at iba pang mga tanda upang pagtibayin ang kanyang ministeryo. Si Juan Bautista naman ay nagdala ng Mensaheng naghahanda sa sanlibutan sa pagdating ng Mesiyas. Habang binabautismuhan niya ang Panginoong Jesus sa Ilog ng Jordan, isang Tinig mula sa Langit ang nagpatotoo sa pagkakasugo kay Juan na siya nga ang magpapakilala sa Cordero ng Diyos, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya Kong lubos na kinalulugdan.” Makalipas ang maraming taon, narinig muli ang Tinig ng Panginoon na nangungusap sa isang propeta nung Siya ay nangusap kay Pablo sa pamamagitan ng nakabubulag na Liwanag, at pagkatapos ay isinugo siya upang ilagay ang mga iglesya sa kaayusan. Saan mang dako ng Bago at Lumang mga Tipan, hindi kailanman nangusap ang Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng isang sistemang maka-denominasyon o isa mang organisasyong pang-relihiyon. Lagi siyang nangungusap sa kanyang bayan sa pamamagitan ng isang tao: ang Kanyang propeta. At Kanyang pinagtitibay ang mga propetang ito sa pamamagitan ng sobrenatural na mga tanda.

Pero paano naman sa panahon natin ngayon? Inihahayag pa rin ba ng Diyos ang Kanyang Salita sa mga propeta? Mayroon pa rin bang mga sobrenatural na mga tanda? Magsusugo ba ang Diyos dito sa mundo ng isang propeta ng makabagong-panahon? Ang kasagutan ay walang pag-aalinlangang, “Oo!”

Pero paano natin malalaman kung lilitaw na ang isang propeta? Ano kayang magiging itsura niya? Paano kaya siya kikilos? Ano kayang mga tanda ang ipamamalas niya sa atin? Anong bahagi ng Kasulatan ang kanyang bibigyang katuparan?

Ang mga propeta ng sinaunang panahon ay maituturing na mga magigiting na tao ng Diyos, at hindi sila takot na lumaban sa mga organisasyong pang-relihiyon. Sa katunayan, sila nga’y halos lagi na lang mainit sa mata ng mga matataas na lider ng simbahan. Hinamon tuloy ni Elias ang mga organisasyong pang-relihiyon ng kanyang panahon, sinasabi niyang alin man ’yan sa kalulugdan ng Diyos ang kanilang handog, o ’yung handog niya ang kalulugdan. Kaya naman nagsipaghiyawan sila sa pagsusumamo. Nagsipanghula sila. Nagtatalon sila sa ibabaw ng altar. Pinaghihiwa pa nila ang kanilang mga sarili gamit ang sundang. Subalit hindi sila dininig ng Diyos. Si Elias nama’y tumingala sa Langit at nagwikang, “Makikilala ka sa araw na ito na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong salita.” Pagkatapos nun ay nagpababa siya ng apoy mula sa Langit upang supukin ang handog. Si Micaya naman na isang propeta ay sumalansang sa Hari ng Israel, at sa buong lupon ng mga saserdote, nung sansalain niya ang Punong Saserdoteng si Zedekias dahil nanghula ito ng kasinungalingan. Sinampal siya nitong Punong Saserdote sa mukha at ipiniit pa siya ng Hari sa bilangguan dahil sa pagsasalita ng katotohanan. Maging ang Panginoong Jesus ay lubhang kinamumuhian ng mga organisasyong pang-relihiyon ng Kanyang panahon na anupa’t kanila tuloy Siyang ipinako sa krus kahanay ang mga kriminal na halang ang bituka. Kung susundan ang takbo ng kasaysayan, kamumuhian din pihado ng pangkasalukuyang sistemang maka-denominasyon ang propeta, at ang propetang ito ay babansagang lisya ang mga turo’t aral, bulaang propeta, o mas matindi pa riyan. Subalit kakasamahin ng Diyos ang Kanyang lingkod.

Kung may propeta nga sa makabagong panahong ito, paano kaya siya tatanggapin ng Iglesya Katolika? Iglesyang Baptist? Iglesyang Lutheran? Alinman diyang denominasyon?

Isinugo ng Panginoong Jesus ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya: “At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya; Mangagpapalabas sila ng mga demonyo sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika; Sila’y magsisihawak ng mga ahas; at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anumang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila’y magsisigaling.” (Marcos 16:17-18). Ang Kasulatan bang ito’y totoo pa rin mapasa-hanggang ngayon? Kung hindi na ito totoo, kailan pa nawalan ng bisa ang mga Salitang ito ng Panginoon? Saan mang panig ng Biblia, nagawa ng mga propetang magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng demonyo, at magpamalas ng mga himala. Inilagay ni Moises ang ahas na tanso sa harapan ng bayan ng Israel upang gumaling sila mula sa kagat ng makamandag na mga ahas (Mga Bilang 21:9). Ito namang si Naaman, na isang makapangyarihang taga-Siria, dumulog siya kay Eliseo upang mapagaling sa sakit niyang ketong (II Mga Hari 5:9). Noong mahulog sa kanyang kamatayan mula sa bintana sa itaas na palapag ang isang binata, niyakap siya ni apostol Pablo at ipinanumbalik niya ang buhay sa katawang iyon na wala nang buhay (Mga Gawa 20:10). Mayroon din lamang tayong nababasang higit-kumulang na 3½ taon sa buhay ng ating Panginoong Jesus, subalit sa maiksing panahong iyon, walang patid Niyang pinagaling ang mga maysakit. Ang mga bulag ay ginawang makakita. Pinagaling ang mga may ketong. Nakatanggap ng kagalingang makarinig ang mga bingi. Nakalakad ang mga lumpo. Sari-saring karamdaman ang napagaling (Mat 4:23).

Nagawa rin ng Diyos na pagtibayin ang kanyang mga propeta sa iba pang mga bagay maliban pa sa pagpapagaling. Maging ang pinakatatagong mga lihim ng puso ay nailalahad sa mga taong ito ng Diyos. Noon nga’y nagkaroon ng nakababagabag na panaginip ang Haring Nabucodonosor, ang kaso ay hindi na niya ito maalala. Parehas na inilahad ng propetang Daniel sa hari ang panaginip at ang propesiyang nakalakip dito (Dan 2:28). Walang hindi nalalaman si Solomon noong bisitahin siya ng Reyna ng Sheba. Nag-uumapaw sa kanya ang Espiritu na hindi pa man naitatanong ng reyna ang mga katanungan sa kanyang puso ay naisaysay na sa kanya ito (I Mga Hari 10:3). Si Eliseo man ay nabanggit na niya sa Hari ng Israel ang lahat na plano ng Hari ng Siria, kahit pa ’yung mga pinakatatagong lihim na sinalita nito sa silid-tulugan (II Mga Hari 6:12).

Maging sa pamamagitan ng Kanyang mga sariling gawa, malimit na ipinakikita ng Panginoong Jesus na ang Espiritung iyon ng pagtalos sa nilalaman ng puso’t isip ay ang Espiritu ni Cristo. Natalos niya ang pagkatao ni Natanael nung sabihin Niyang, “Narito ang isang tunay na Israelita, na sa kanya’y walang daya!” At nabanggit din ni Jesus kay Natanael kung nasaan siya noong ipamalita sa kanya ni Felipe ang tungkol sa Mesiyas (Juan 1:48). Noong masaksihan ni Natanael na natalos ni Jesus ang nilalaman ng kanyang puso, agad niyang napagkilalang Siya ang Cristo. Noong unang beses na makita ni Jesus si Pedro, sinabi Niya sa kanya ang pangalan ng kanyang tatay, na si Jonas (Juan 1:42). Kaya naman iniwan ni Pedro ang lahat-lahat at sumunod kay Jesus nang buong buhay niya. Nakasalamuha rin ni Jesus ang isang Samaritana sa tabi ng balon at binanggit sa babae ang kanyang mga nagawang kasalanan sa nakaraan. Kaya naman ang unang lumabas sa kanyang bibig, “Ginoo, napaghalata kong ikaw ay isang propeta” (Juan 4:19). Ang tatlong ito na nabanggit ay may iba’t ibang katayuan sa buhay, subalit kanilang napagkilala kung sino si Jesus pagkatapos niyang ipamalas sa kanila ang kaloob na iyon ng pagtalos sa nilalaman ng puso’t isip.

Naglaho na nga ba ang kaloob na ito matapos na maisulat ang pinakahuling pahina ng Biblia? Kung ang mga himalang ito’y lantarang nakasulat sa Biblia, nasaan na kaya ito sa panahon natin ngayon? Dapat lamang na pinagtitibay rin ng gayong himala ang isang propeta para sa makabagong-panahon.

Nakalimutan na ba ng Diyos ang Kanyang bayan? Nagagawa pa rin ba Niyang magpagaling ng mga maysakit? Nangungusap pa rin ba siya sa atin sa pamamagitan ng mga propeta? Mayroon bang propeta noong panahong una na natanaw na ang kasalukuyang panahong ito?

May mga propesiya pa bang kailangang magkaroon ng katuparan?