Ang Simula



“Noong ipinanganak ako dun sa mumunting cabin sa Kentucky, dumating ang Anghel ng Panginoon sa bintana at naglumagi roon. Hayan nga ang isang Haliging Apoy.”

Nagsimula na noong sumilip ang pagbubukang-liwayway sa siwang ng madilim na kalangitan ng maginaw na buwan ng Abril. Ang nag-iisang, kahoy na bintana’y itinaas upang papasukin ang liwanag ng umaga sa loob ng mumunting cabin diretso sa nag-iisa nitong kuwarto. Isang ibong robin ang nakadapo sa tabi ng bintana at tila ba tuwang-tuwa ito sa umagang iyon habang humuhuni ito nang malakas sa abot ng kanyang makakaya. Sa loob ng cabin, nakapamulsa sa kanyang bagong pares ng overall ang batang-batang Charles Branham at kanyang pinagmamasdan ang 15 anyos niyang maybahay na nakahiga sa kama nang mga oras na iyon. “Papangalanan natin siyang William,” sabi ng tatay.

Pumasok ang isang sobrenatural na Liwanag mula sa bintana. Pumalaot ang Liwanag na iyon sa palibot ng kuwarto at pumailanlang sa ibabaw ng kama kung saan kasisilang pa lang ng isang sanggol. Ito rin ang siya ring Liwanag na naglabas noon sa mga anak na Hebreo mula sa Egipto. Yun din ang siya ring Liwanag na sumalubong kay Pablo habang papunta siya noon sa Damasco. At sa paglipas ng taon ay gagabayan Nito ang mumunting sanggol na iyon sa pagtawag niya sa mga Nobya ni Cristo palabas mula sa sanlibutan. Ang Liwanag na iyon ay walang iba kundi ang Anghel ng Panginoon, and Haliging Apoy; at muli na naman Itong nagpakita sa sangkatauhan.

At doon, sa mumunting kahoy na cabin na iyon, nang umagang iyon ng ika-6 ng Abril, binuksan ng kumadrona ang bintana para pumasok ang liwanag at para maaninag nila Nanay at Tatay ang aking itsura. Pagkatapos nun ay isang Liwanag na marahil kasing-laki ng isang unan ang nagpaikot-ikot sa may bintana. Pinalibutan ako nito, at pumailanlang sa kama. Mailan-ilang kapitbahay namin doon sa bundok ang nakatayo roon nang mga oras na iyon. Lahat sila’y napahagulgol.

Ang simpleng tahanan na iyon ay naroon sa bulubundukin ng katimugang Kentucky, malapit sa maliit na bayan ng Burkesville. Ang petsa ay Abril 6, 1909. Panganay ang sanggol na ito sa sampung anak ni Charles at Ella Branham.

Hindi nagtagal ay binisita muli ng Anghel ng Panginoon ang batang si William Branham.

Noong musmos pa lang siya, nangusap na sa kanya ang Anghel bago pa man maganap ang isang bagay, sinasabi sa kanyang maninirahan siya malapit sa isang siyudad na kung tawagin ay New Albany. Nagtatakbo siya pauwi at sinabi sa kanyang nanay kung anong nangyari. Gaya ng sinumang nanay, hindi niya masyadong pinagtuunan ng pansin ang kuwento at pinahiga na lamang siya sa kama para maibsan ang kanyang takot. Dalawang taon ang lumipas, lumipat ang kanyang pamilya sa Jeffersonville, Indiana, na ilang milya lang ang layo mula sa New Albany na isang siyudad sa katimugang Indiana.

Nangusap muli ang Anghel sa batang propeta makaraan ang ilang taon. Tahimik na araw ’yun noon sa buwan ng Setyembre at ang mainit na araw ay sumisinag sa makukulay na dahon ng taglagas. Paika-ika noon ang batang lalaki habang bitbit-bitbit niya ang dalawang timbang tubig pauwi sa kanila. Suot-suot niya noon ang isang pirasong busal ng mais na nakatali sa ilalim ng kanyang sugatang hinlalaki sa paa para hindi ito pasukan ng alikabok. Naupo siya noon sa ilalim ng lilim ng mataas na puno ng poplar. Napapaluha na lang siya habang iniisip niya na kaawa-awa naman siya: Kasalukuyan kasing nagkakasiyahan noon ang kanyang mga kaibigan sa isang maliit na palaisdaan sa malapit, at siya nama’y hindi naisama dahil pinag-iigib siya ng tubig ng kanyang tatay. Pagkatapos, biglang may hanging nagpaikot-ikot sa puno sa ulunan niya. Pinunasan niya ang kanyang luha at tumayo. Nakarinig siya ng kaluskos ng mga dahong tinatangay ng hangin…subalit wala namang hangin. Tumingala siya, at sa ibabaw ng puno ng poplar sa may bandang gitna nito, may kung anong bagay na nagpapakaluskos sa mga tuyong dahon.

Bigla na lang may Tinig na nagsalita, “Huwag kang iinom ng alak o maninigarilyo o dudungisan ang iyong katawan sa kahit anumang paraan, sapagkat may nakalaan sa iyong gampanin na iyong gagawin sa iyong pagtanda.” Nailaglag na lamang ng takot na takot na pitong-taong-gulang na batang lalaking ito ang kanyang mga timba at kumaripas ng takbo sa kanyang nanay.

Gaya ni propeta Samuel, nangusap muli ang Diyos sa isang paslit.

Ilang linggo lang pagkatapos nun, nakikipaglaro siya sa kanyang nakababatang kapatid ng holen. Isang hindi maipaliwanag na pakiramdam ang lumukob sa kanya. Napatanaw siya sa Ilog ng Ohio at may nakita siya roong napakagandang tulay. Labing-anim na lalaki ang nahulog sa kanilang kamatayan habang itinatayo ang isang tulay sa kalaparan ng ilog. Heto na’t nakita ng batang propeta ang pinakauna niyang pangitain. Sinabi niya ito sa kanyang nanay, at isinulat ng nanay niya ang kanyang salaysay. Taon ang binilang, 16 na kalalakihan ang nahulog sa kanilang kamatayan habang itinatayo ang tulay ng Second Street sa Louisville, Kentucky sa ibabaw ng Ilog ng Ohio.

Nagpapakita sa kanya ang Diyos ng mga pangitain ng hinaharap. At gaya ng mga propetang nauna sa kanya, hindi nagkakamali ang mga pangitain.