Mga Taon Ng Kabataan - Karugtong



Dumidilim na nun nang dumidilim sa loob ng silid ng ospital, gaya ng pagkagat ng dilim sa masukal na kagubatan. Nauulinigan kong may hanging kumakaluskos sa mga dahon, ngunit tila napakalayo nito sa tunog sa gubat. Marahil ay nakarinig na kayo ng ihip ng hanging kumakaluskos sa mga dahon, at palapit ito nang palapit sa’yo. Naisip ko, “Bueno, ang kamatayan na ’yan na paparating para kunin na ako.” Oh! Katatagpuin na ng kaluluwa ko ang Diyos, at sinubukan kong manalangin ngunit hindi ako makapanalangin.

Papalapit na nang papalapit ang hangin, palakas nang palakas. Kumaluskos ang mga dahon at bigla-bigla na lang, nawalan ako ng malay.

Ngayon tila ba bumalik ako sa pagiging isang paslit, nakayapak ako at nakatayo sa ilalim ng punongkahoy na iyon. Narinig ko uli ang siya ring Tinig na nagsabing, “Huwag kang iinom ng alak o maninigarilyo.” At maging ang mga dahong narinig ko ay ’yung mga dahon din na kumaluskos sa punongkahoy na iyon noong araw na iyon.

Subalit sa pagkakataong ito ang sabi ng Tinig, “Tinawag kita ngunit hindi ka naman nagpapasugo.” Naulit ’yun nang tatlong beses.

Pagkatapos ay sumagot ako, “Panginoon, kung Ikaw nga ’yan, pahintulutan mo akong makabalik sa lupa at aking ipangangaral ang Iyong Ebanghelyo mula sa mga bubungan ng bahay at maging sa mga panulukan ng mga lansangan. Ipangangaral ko ’yun kaninuman!”

Nang matapos ang pangitaing ito, heto ako’t malakas na ang katawan. Ang doktor na tumitingin sa akin ay naroon pa rin sa loob ng gusali. Pinuntahan niya ako at sinayasat at nabigla. Tiningnan niya ako na tila ba inaasahan niyang patay na dapat ako, tapos ang sabi niya, “Hindi ako pala-simba, mainam naman akong doktor, pero nasisigurado kong dinalaw ng Diyos ang binatang ito.” Kung bakit niya nasabi ’yun, hindi ko po alam. Wala namang nagsasabi ng gayong mga bagay sa akin noon. Kung dati’y alam ko na itong mga bagay na nalalaman ko ngayon, aba’y babangon ako sa higaang iyon at magbubunyi ng Papuri sa Kanyang Pangalan.

Makalipas ang ilang araw pinayagan na akong makauwi gayong may kaunting iniinda pa rin ako at binilinan pa ngang magsuot lagi ng salamin dahil may panlalabo na ang aking mga mata. Nakararamdam nga ako ng pagkahilo kapag matagal akong nakatingin sa isang bagay.

Sinimulan kong pagtuunan ng pansin at hanapin ang Diyos. Dumalo ako sa iba’t ibang simbahan, nagbabaka-sakaling makahanap ng lugar kung saan may makaluma silang pagdulog sa altar. Ang nakalulungkot ay wala akong makitang may ganoon.

Sinabi ko na kung ako nga’y magiging isang Cristiano, sisiguraduhin kong isa nga ako. Ang sabi tuloy sa akin ng isang ministrong nakarinig sa akin, “Naku Bily iho, mapupunta ka niyan sa pagiging panatiko.” Ang sabi ko kasi kung magkaka-relihiyon din lang naman ako, gusto ko ’yung damang-dama kong mayroon nga talaga ako, gaya ng naranasan ng mga disipulo.

Oh purihin ang Kanyang Pangalan. Nakakamit din ako ng relihiyon at nasa akin pa rin ito mapasa-hanggang ngayon, at sa pamamagitan ng Kanyang tulong, hindi ko na ito kailanman iwawaglit.

Isang gabi nakaramdam ako ng pagkauhaw sa Diyos at sa tunay na karanasan at dahil diyan nagtungo ako roon sa lumang silungan sa likod-bahay at sinikap kong manalangin. Hindi pa ako noon marunong manalangin kaya simpleng kinausap ko Siya gaya ng paano ako makipag-usap sa sinumang tao. Bigla-bigla na lang lumitaw ang isang Liwanag doon sa silungan at naghugis krus ito at isang Tinig na nanggagaling dun sa krus ang nagsalita sa akin sa wikang hindi ko maintindihan. Pagkatapos nawala Ito. Para rin akong nawala sa sarili sa pagkagulat ko. Nung nawala na ’yung pagkagulat ko nanalangin ako, “Panginoon kung Ikaw nga ’yun, pahintulutan mong pumarito Ka uli at kausapin ako.” Nagbabasa-basa na rin ako ng Biblia mula nung inilabas ako sa ospital at nabasa ko nga roon sa I Juan 4, “Mga minamahal, huwag kayong magsipaniwala sa bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu kung sila’y sa Diyos.”

Sigurado akong espiritu nga ’yung nagpakita sa akin at nung nanalangin ako lumitaw itong muli. Pagkatapos ay para bang naibsan nang isang libong libra ang bigat doon sa kaloob-looban ko. Tumindig akong mabilis at tumakbo pabalik sa bahay na animo’y tumatakbo ako sa hangin.

Nagtanong tuloy si Nanay, “Bill, ano bang nangyari sa’yo?” Sagot ko, “Hindi ko po alam pero nasisigurado kong bumuti at gumaan ang pakiramdam ko.” Hindi na ako noon mapakali sa loob ng bahay. Kinakailangan kong lumabas at magtatakbo.

Noong mga oras na ’yun alam kong kung gusto ng Diyos na mangaral ako, pagagalingin Niya ako. Agad akong nagtungo sa isang iglesyang naniniwala sa pagpapahid ng langis at agad-agad akong gumaling. Noon din ay napagtanto kong may kaloob na bagay ang mga disipulo na wala ang karamihan sa mga ministro ng panahon ngayon. Ang mga disipulo noong araw ay nabautismuhan ng Banal na Espiritu at nakapagpapagaling ng mga maysakit at nakapagpapamalas ng mga himala sa Kanyang Pangalan. Kaya naman nanalangin akong makamit ko nawa ang Banal na Espiritu at nakamit ko nga ito.

Isang araw mga anim na buwan ang lumipas, inilagay ng Diyos ang inaasam ng puso ko. Nangusap Siya sa akin mula sa isang napakalaking Liwanag, at sinabi sa aking humayo ako’t mangaral at ipagpanalangin ko ang mga maysakit at Kanya silang pagagalingin kahit ano pang karamdaman ang mayroon sila. Kaya nagsimula akong mangaral at sundin ang sinabi Niya sa akin. Oh kaibigan, hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang lahat ng mga nangyari pagkatapos: Nagsidilat ang mga mata ng mga bulag. Nagsilakad ang mga lumpo. Nagsigaling ang mga kanser, at napakarami pang himala ang naganap.

Isang araw sa panulukan ng Spring Street, Jeffersonville, Indiana, matapos ang dalawang linggong rebaybal, nagbabautismo ako noon ng 130 katao. Agosto noon at napakainit at may 3,000 ang nagsidalo. Kasalukuyang babautismuhan ko na ang ika-17 tao nang bigla ko uling narinig ’yung marahang, bulong na Tinig na iyon at ang sabi, “Tumingala ka.” Mala-tanso ang kulay ng kalangitan nung mainit na araw na iyon ng Agosto. Hindi pa nun umuulan at magtatatlong linggo na. Narinig ko uli ’yung Tinig, at muli sa ikatlong pagkakataon nagsabi ito, “Tumingala ka.”

Tumingala ako at may isang malaki’t napakaliwanag na bituwin ang lumitaw sa langit, at maraming beses ko na itong nakita noon pero hindi ko lang sa inyo naikukuwento. Pero maraming beses ko na itong naikuwento sa iba at nagtatawa lang sila at sinasabi pa, “Bill, guni-guni mo lang ’yun. O kaya naman nananaginip ka lang.” Subalit purihin ang Diyos, dahil nung mga sandaling iyon ipinakita Niya ang Kanyang Sarili sa lahat, at sadyang napakalapit nito sa akin na hindi ako makapagsalita. Makalipas ang ilang segundo napahiyaw ako at karamihan sa mga naroon ay napatingala at nakita ang bituwin sa ulunan ko. Nahimatay ang iba habang ang iba’y napabulalas sa takot at ang iba sa kanila’y nagsitakbuhan palayo. Pagkatapos ay pumailanlang muli ang bituwin sa langit at ’yung lugar kung saan ito lumitaw kanina ay nasa labing-limang talampakang kuwadrado at patuloy ang paggalaw ng tubig dito na tila lumulobo ang mga alon. Sa dakong iyon ay namuo ang isang mumunting puting ulap at pumasok sa munting ulap na iyon ’yung bituwin.

Gaya ni Juan Bautista, pinagtibay ang propeta sa tubig ng Bautismo.