Ang mga sumusunod ay ilan sa mga katanungang natatanggap namin patungkol sa aming ministeryo. Kung sakaling, pagkatapos mong basahin ang mga ito, ay may katanungan ka pa rin patungkol sa nilalaman ng website na ito, maari po lamang magpadala sa amin ng email sa answers@themessage.com.

 

Ano ang inyong pinaniniwalaang pananampalataya?

Masasabi naming ang “opisyal” naming turo sa iglesya ay ang Biblia, mula Genesis hanggang Apocalipsis. Ang aming pinaniniwalaang pananampalataya ay maaaring paikliin sa isang pangungusap: Walang ibang kredo kundi si Cristo; walang ibang utos kundi pag-ibig; walang ibang aklat kundi ang Biblia.

Isa na akong Cristiano. Mahalaga pa rin ba ang mga nilalaman ng website na ito sa akin?

Opo! Kinakailangang sampalatayanan ng mga Cristiano ang lahat ng Salita ng Diyos; at ’yan ang dahilan kung bakit dumadalo tayo sa simbahan at binabasa ang ating mga Biblia. Bakit pa natin sasampalatayanan ang bahagi ng Biblia kung saan namatay si Jesus sa ating mga kasalanan, kung isasantabi natin ’yung kung paano nagpasimula ang kasalanan sa Halamanan ng Eden?

Nananampalataya akong ang aking nabasa ang katotohanan. Paano ako aanib?

Ang Katawan ni Cristo ay hindi isang kulto o denominasyon, at ang nag-iisang hinihiling upang maging kabahagi ay ang iyong sampalatayanan ang Panginoong Jesus. Hindi mo na kailangan pang alalahanin ang pagpaparehistro o paglalagda ng mga papeles sa pamunuan ng iglesya. Manampalataya lamang sa Salita, at ang Panginoon na ang siyang aayos ng lahat.

Isa ba kayong iglesya?

Hindi kami isang iglesyang organisasyon, subalit tumutulong kami sa libu-libong mga kaiglesyahanan at milyun-milyong mga indibiduwal sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga materyales na nauukol sa pananampalataya. Misyon naming mahikayat ang mga tao na maging mas malapit sa Panginoong Jesus sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang Kanyang Ebanghelyo ay makararating sa bawat isa saanman sa mundo.

Nais kong mabautismuhan. Ano ang marapat kong gawin?

Kung hindi ka makahanap ng magbabautismo sa iyo sa Pangalan ng Panginoong Jesus Cristo, ipadala sa amin sa pamamagitan ng email ang iyong lokasyon at padadalhan ka namin ng listahan ng mga iglesyang malapit sa iyong lugar na maaari kang bautismuhan sa tamang bautismo. Tandaan, ayon sa Bibliya importanteng mabautismuhan sa Pangalan ni Jesus, at hindi sa mga titulong Ama, Anak, at Banal na Espiritu.

Sa palagay n’yo po hindi na ako ligtas dahil isa akong Katoliko o kaanib ng ibang denominasyon?

Sinabi ng Panginoong Jesus na, “Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan.” Walang sinumang tao ang may kapangyarihang maghatol patungkol sa kaligtasan. Sinabi nga rin ni Jesus, “Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa’t ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” Kaya hindi mahalaga kung isa ka mang Katoliko, Baptist, o Pentecostal; kung sumasampalataya ka sa Panginoong Jesus Cristo ikaw ay maliligtas.

Ano ang Voice Of God Recordings (VGR)?

Ang Voice Of God Recordings, Inc. ay isang inter-denominational na ministeryong naglalayong ipalaganap ang Ebanghelyo ng Panginoong Jesus Cristo. Ang pangunahing pinagkukunan ng materyales na aming ipinamamahagi ay ang mga nairekord na pangangaral ng yumaong si William Marrion Branham, isang propeta ng Diyos at ebanghelistang kinikilala sa mundo. Kasama sa aming ipinamamahagi ang mga MP3 CD, DVD, video, software, aklat, magasin, babasahin, litrato, pahayagan, at website.

Sino si William Branham, at ano siya sa akin?

Si Reverend Branham ay isang ebanghelistang kilala sa buong mundo na nasa ministeryo ng paghayo mula 1947 hanggang 1965. Hindi lamang niya inilapit ang milyun-milyon patungo kay Cristo, bagkus pinagtibay rin ng Diyos ang kanyang ministeryo sa pamamagitan ng di mabilang na mga himala. Ang link na ito ang magbibigay sa iyo ng paunang sulyap sa kanyang ministeryo

Kung nangyari ngang lahat ang mga himalang ito, bakit wala pa akong naririnig patungkol sa kanya?

Napakagandang tanong ’yan, at ’yan din ang nais naming itanong sa mga pamosong kaiglesyahanan ngayon. Nagsugo ang Diyos ng propeta! Bakit nga ba hindi ito napag-uusap-usapan? Dapat nga.

Bakit ganoon na lamang ang ibinibigay ninyong pagpapahalaga kay William Branham?

Sa kaparehas na kadahilanan kung bakit binibigyan ni Josue nang higit na pagpapahalaga si Moises. Si Moises ay isang propetang nagdala ng Mensahe galing sa Diyos. Ganoon din si Kapatid na Branham.

Nakakita na ako ng mga kababaihan sa inyong pagmi-ministeryo. Bakit lahat sila’y mahahaba ang mga buhok at mahahaba rin ang suot na palda?

Sinabi ni Pablo sa Unang Corinto 11:15: "Datapuwa’t kung ang babae ang may mahabang buhok, ay isang kapurihan niya: sapagka’t ang buhok sa kaniya’y ibinigay na pangtakip." Sinabi ni Pablo na ang mga kababaihan ay nararapat "magsigayak ng mahinhing damit…" at sinabi ni Moises, "Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalake." Kung sinasabi nga ’yan ng Biblia, paniniwalaan ’yan ng mga tunay na Cristiano.

Gumawa ako ng ilang pananaliksik at natagpuan kong may ilan-ilang mga website na ginawa upang pasinungalingan ang mga sinabi ni Reverend Branham. Ano pong masasabi n’yo dito?

May makikita ka ngang mga website na ginawa upang pasinungalingan ang kahit ano at ang lahat ng mga bagay, kasama na riyan ang Biblia. Nais naming kayo ang kumilatis sa Mensaheng inihaharap namin sa inyo sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at hindi sa pamamagitan ng mga pagpapaliwanag na napakadali namang mahanap sa internet. Tandaan, wala nang iba pang nasiraan nang husto kundi ang Panginoong Hesus. Kung gumagawa ka ng tama, asahan mong may pupuna.

Nakasahod ang lahat ng mga organisasyon sa aking bulsa. Laging may kinalaman na lang sa pera.

Kung mapapansin n’yo walang kahit saan dito sa website na ito ang nakalaan sa panghihingi ng donasyon. Kung darating na sa puntong manghihingi kami ng pera, ibig sabihin kailangan nang huminto ng ministeryong ito. Hindi ito tungkol sa pera, patungkol ito sa pag-aakay ng mga kaluluwa kay Jesus Cristo.

Nais kong matuto pa; ano ang susunod na hakbang?

Ang sabi ng Biblia, “ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig,” kaya hinihikayat ka naming magpatuloy sa pakikinig. Mayroon kaming higit 1,200 nairekord na pangangaral na maaari mong i-download nang libre. Maaari rin naming ipadala sa iyo ang materyales sa pamamagitan ng koreo kung nagkakaroon ka ng problema sa pagda-download ng mga electronic file.


Naglalathala ang www.branham.org ng mga balita at mga patotoo na ukol sa aming ministeryo. Inaanyayahan namin kayong bumisita araw-araw at basahin ang mga ulat ng mga mananampalataya sa buong mundo. Mamamangha ka nga sa napakaraming dakilang bagay na ginagawa ng Panginoong Jesus, sa makabagong panahon ngayon.