ISANG PAGDALAW MULA SA ISANG ANGHEL



Nagpatuloy ang mga pangitain. Sinabihan siya ng mga kaibigan niyang mga ministro sa simbahan na hindi galing sa Diyos ang mga pangitain na ’yun. Sinabihan pa siyang inaalihan siya ng masamang espiritu. Nabagabag siya nang lubos dahil dito. Napakabigat nun para dalhin pa niya, kaya’t nagtungo siya sa ilang upang hanapin ang Kalooban ng Diyos. Ganoon na lamang ang kanyang pagpupursige na nangako siya sa sariling hindi siya babalik hangga’t walang kasagutan. At doon nga, sa loob ng isang lumang cabin na tinutuluyan ng mga mangangasong tulad niya, ibinigay ng Anghel ng Diyos ang kanyang pagkasugo. Sa mga sinabi sa kanya, sinabi ng Anghel sa kanya ang ganito: “Kung makuha mo ang loob ng mga taong maniwala sa’yo, at tapat ka sa iyong pananalangin, walang kayang gumiba ng iyong panalangin, kahit pa ang kanser.”

Nawala ang lahat ng kanyang pagaagam-agam. Taglay-taglay na niya ngayon ang isang pagkasugo at matapang niyang tinanggap ito. Nagsimula na ang rebaybal ng pagpapagaling.

Daan-daan at libo-libo ang dumalo sa mga gawain ni Kapatid na Branham. Libo-libo ang napagaling sa Pangalan ng Panginoong Jesus Cristo. Ilang mga ebanghelista gaya nila Oral Roberts, T.L. Osborn, at A.A. Allen ang sumunod din kay Kapatid na Branham at nagpasimula ng kani-kanilang rebaybal ng pagpapagaling. Hindi pa kailanman nangyayari ang ganoong karaming pagpapalang ibinuhos ng Diyos. Hinipo muli ng nagpapagaling na kamay ni Jesus Cristo ang Kanyang bayan.

“Madalas akong napapaluha dahil sa panibagong kaloob ng Diyos sa iglesya sa katauhan ng ating pinakamamahal na kapatid, William Branham, sa kanyang kamangha-manghang kaloob ng pagpapagaling. Ito nga ang Diyos na gumagawa ng lubhang sagana nang higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip (Efeso 3:20), dahil kailanman wala pa akong nakita o nabasang papantay sa pagpapagaling na ministeryo ni William Branham.”

Rev. F.F. Bosworth, isang ebanghelistang kilala sa buong mundo at isa sa mga pinakaunang nagtatag ng denominasyong Assemblies Of God at maging ng pangkasalukuyang gawaing Pentecostal.

“Minsan, nasaksihan namin siyang nakikipag-usap sa isang lalaking nakaratay sa isang katre. Nung una hindi namin mapagtanto kung ano ’yung sinasagot nung lalaki. Tumulong na ’yung misis nito na nakatayo sa tabi, at ang sabi hindi lang daw malapit mamatay sa kanser ’yung asawa niya, hindi pa raw nito maintindihan ang sinasabi sa kanyang dapat niyang gawin dahil bingi siya.

Sabi tuloy ni Kapatid na Branham na nararapat lamang na mapagaling sa pagkabingi ’yung lalaki para naman marinig nito ang dapat niyang gawin para sa kagalingan ng kanyang kanser. Nanalangin sila pansumandali. Bigla na lang nakarinig ’yung lalaki! Grabeng luha ang dumaloy sa mga pisngi nung lalaking kanina pa tulala at walang kaemo-emosyon. Nakinig siya nang buong sigasig habang sinasabi sa kanya ang dapat niyang gawin para mapagaling sa kanser.”

Rev. Gordon Lindsay, isang matagumpay na manunulat, ministro, at tagapagtatag ng Christ For The Nations Institute.

“Sinabi ni Kapatid na Branham, ‘Magaling na ang Kongresista.’ Biglang lumukso ang puso ko. Tumayo ako at tinanggap ang Panginoon bilang aking Tagapagpagaling. Iniwan ko sa isang tabi ang aking mga saklay… at bumukas ang durungawan ng Langit!”

William D. Upshaw, Kongresista ng US (1919-1927), kandidato sa pagkapangulo ng US noong 1932. Lumpo mula nung mabalian ng likod nung bata pa lang. 84 siya noong makatanggap ng ganap na kagalingan sa pamamagitan ng panalangin ni Kapatid na Branham, matapos ang 66 na taon na pagkalumpo. Hindi na niya kinailangan pang gumamit ng silyang de gulong o saklay man sa nalalabi pa niyang panahon sa kanyang buhay.

“Walong taon at siyam na buwan akong nakaratay dahil sa T.B. at wala na raw magagawa pang remedyo sa akin ang mga doktor. Hindi lalampas sa 50 libra ang aking timbang at para nga bang wala na talaga akong kapaga-pagasa. Pagkatapos mula sa Jeffersonville, Indiana, dumating si Rev. WM Branham dahil may nakita siyang pangitain ng isang munting tupa na nabalahaw sa ilang at umiiyak ng ‘Milltown,’ kung saan ako nakatira. Hindi pa kailanman nakapupunta si Kapatid na Branham sa lugar namin at wala rin siyang kahit sinong kakilala rito. Sa pagdating niya, ipinatong niya sa akin ang kanyang mga kamay at nanalangin, habang sinasambit sa akin ang Pangalan ng ating pinakamamahal na Panginoong Jesus. May kung anong bagay na humihila sa akin patayo at nung nakatayo na ako’y pinasalamatan ko ang Diyos sa Kanyang kapangyarihang magpagaling. Ako ngayo’y tagapag-tugtog ng piyano sa simbahan ng Baptist dito sa amin.”

Georgia Carter, ng Milltown Indiana, napagaling sa nakamamatay na T.B. noong 1940 at hindi na kailanman nagkaroon muli ng sakit na ’yun sa kanyang buhay. Isa siya sa laksa-laksang taong napagaling sa pamamagitan ng kanyang pagmi-ministeryo at maging sa mga iba pang napapagaling hanggang sa panahon ngayon.