Mga Taon Ng Kabataan



Sa buong buhay niya, gustong-gusto talaga ni Kapatid na Branham na mamalagi sa ilang. Sa edad na 18, lumuwas siya ng Indiana para mamalagi sa baku-bakong bulubundukin sa kanluran. Hindi nga lang nagtagal ang kanyang pamamalagi sa Arizona hanggang sa mapilitan siyang umuwi.

Isang araw nasabi ko sa sarili kong heto na nakahanap na ako ng paraan para matakasan ko ang pagkatawag sa akin. Papunta ako noon sa kanluran para makapagtrabaho sa isang rantso. Kaibigan, sadyang napakadakila ng Panginoon sa dakong iyon kagaya rin naman kung papanong Siya’y napakadakila saan mang dako. Nawa’y may mapulot kayong aral sa aking karanasan. Kung kayo’y tawagin Niya, inyo Siyang tugunin.

Isang umaga sa buwan ng Setyembre taong 1927, nagpaalam ako sa nanay na luluwas lang ako para sa isang camping trip sa Tunnel Mill, na mga labing-apat na milya ang layo mula sa Jeffersonville kung saan kami nakatira ng mga panahong iyon. Napagplanuhan ko ng lumuwas patungong Arizona kasama ang ilang kaibigan. Nang makarinig muli ng balita ang nanay mula sa akin, wala na ako noon sa Tunnel Mill dahil nasa Phoenix, Arizona na ako nun, tinatakasan ang Diyos ng Pag-ibig. Napakainam ng buhay sa rantso nung una, pero nawawala na ’yung pananabik ko rito kinalaunan, gaya ng anupamang luho sa mundo na madaling maparam. Pero hayaan n’yong sabihin ko ito sa inyo rito, Purihin ang Diyos, na ang karanasan sa piling ni Jesus ay patamis nang patamis sa paglaon ng panahon at hindi naluluma. Laging nagkakaloob si Jesus ng ganap na kapayapaan at kalakasan.

Maraming beses na nauulinigan kong umiihip ang hangin sa nagtataasang mga puno ng pino. Para bang naririnig ko ang Kanyang Tinig na tumatawag palayo sa gubat, nagsasabing, “Adan, nasaan ka naroon?” Ang mga bituwin doon ay para bang napakalapit na kung maaari nga’y mapipitas mo sila gamit lang ang iyong kamay. Para nga bang napakalapit talaga ng Diyos.

Isang bagay na kapansin-pansin dito sa probinsya ay yaong mga kalsada sa disyerto. Kung mapalayo ka kasi sa mga kalsadang ito, maaari kang maligaw na lang basta-basta. Maraming beses na may mga dayong napapalayo sa kalsada para mamitas ng mga mumunting bulaklak doon sa disyerto. Kung saan-saan sila napapadpad sa disyerto at kaya naman naliligaw sila at magkaminsan pa nga’y namamatay sa uhaw. Gayun din sa pagiging Cristiano – may lansangan ang Diyos. Binabanggit Niya ito sa Isaias, ika-35 kabanata. “Daan ng Kabanalan” ang tawag dito. Maraming beses na hahatakin ka ng mga mumunting kalayawan ng sanlibutan palayo sa lansangang ’yan. Dahil diyan mawawaglit mo ang karanasan mo sa Diyos. Doon nga sa disyerto kung hindi mo na makita ang daan mo pauwi, mamamalik-mata ka kung minsan. Sa mga taong malapit nang mamatay dahil sa uhaw, aakalain nilang nakakakita sila ng isang ilog o isang lawa. Maraming beses na magkakandarapa ang mga taong ito roon at sasalampak doon at matutuklasan nilang lumalangoy-langoy lang pala sila sa mainit na buhanginan. Minsan pakikitaan ka ng diyablo ng isang bagay at sasabihin niyang nakawiwili raw nun. Malik-mata lang po ito, isa ’yung bagay na hindi totoo. Kung mananatili ka at patuloy na makikinig dun malalaman mo na lang sa huli na nag-iipon ka lang ng santambak na kahipasan sa iyong isip. Kaya huwag kang makinig sa diyablo, minamahal kong mambabasa. Manampalataya ka kay Jesus na siyang nakapagbibigay sa iyo ng tubig ng buhay na nakalaan para sa mga nagugutom at nauuhaw.

Isang araw ay nakatangap ako ng liham mula sa pamilya ko at ang sabi dun malubha na raw ang karamdaman ng isa sa aking mga kapatid na lalaki. Malubha na raw si Edward, ’yung kapatid kong sumunod sa akin. Nung una inakala ko lang na hindi siya ganoong kalubha, kaya naniniwala akong magiging ayos lang ang lahat. Ngunit isang gabi at ilang araw lang ang lumipas mula nun at kababalik ko lang din mula sa siyudad at napadaan ako sa kainan namin dun sa rantso, may nakita akong kapirasong papel sa ibabaw ng mesa. Kinuha ko ’yun. Ang sabi dun, “Bill, pumunta ka rito sa pastulan sa itaas. Napaka importante lang.” Pagkatapos kong mabasa ang sulat ay lumakad na ako kasama ang isang kaibigan patungo dun sa pastulan. Ang unang taong nasumpungan ko roon ay isang matanda nang tanod sa bayan na Mataas ang Katungkulan na nagtrabaho noon sa rantso. Durfy ang pangalan niya, pero “Pop” ang tawag namin sa kanya. Malungkot ang kanyang mukha habang sinasabi niya sa aking, “Billy iho, may masama akong balita sa’yo.” Nang mga sandaling iyon palapit sa akin ang aming bisor. Sinabi nila sa aking may telegramang dumating para sa akin, at nakasaad dun na namatay na ang aking kapatid.

Mahal kong kaibigan, mahabang sandali rin akong hindi nakagalaw nang mga oras na iyon. Yun ang pinakaunang kamatayan sa aming pamilya. Pero gusto kong sabihin sa iyo na ang unang pumasok sa isip ko ay kung handa na ba siyang mamatay. Nung tumalikod ako at tumanaw sa manilaw-nilaw na kaparangan, gumuhit ang luha sa aking mga pisngi. Bumalik sa akin ang mga alaala nung kami’y mga paslit pa lang at hirap na rin talaga ang buhay nun at tinitiis naming lahat iyon nang magkasama.

Sa pagpasok nga namin sa paaralan halos hindi sumasapat sa amin ang aming baon. Umuusli pa sa sapatos ang mga daliri namin sa paa at ’yung mga pinaglumaang balabal na ipinasusuot sa amin ay dapat naman talagang hanggang leeg ang pagkakasara dahil wala kaming kamiseta sa loob. Bumalik din sa alaala ko ’yung nung minsan popcorn na nakalagay sa maliit na tabo ang pinabaong tanghalian ni Nanay para sa aming dalawa. Hindi kami sumasalo sa pagkain kasama ng iba pang mga bata. Hindi namin kasi kayang bilhin ang pagkaing meron sila. Kaya dun kami sa tagong dalisdis pumapanhik at doon kami kumakain. Naalala ko nga ’yung araw na popcorn ang baon namin, at talagang kapuwa namin iniisip na napaka-espesyal na nun para sa amin. Kaya para makasiguradong hindi ako malalamangan sa hatian, maaga akong nagtanghalian at inihiwalay ko na ang parte ko bago pa man ako saluhan ng aking kapatid.

Ngayon habang nakatayo ako roon at nakatanaw sa kaparangang pinaninilaw ng araw bumalik sa alaala ko ang lahat ng mga iyon at naisip kong dinala kaya siya ng Diyos sa isang mas mainam na dako. Pagkatapos nun tinawag muli ako ng Diyos, pero gaya ng dati, sinubukan ko uling takasan ’yun.

Lumuwas ako para makadalo sa kanyang libing. Noong nangaral si Rev. McKinny ng Iglesya ng Port Fulton, isang lalaking para na rin naming tatay, noong mangaral siya sa libing ng kapatid ko nabanggit niya na, “Kung mayroon mang narito na hindi pa nakakakilala sa Diyos, kung mayroon man, kanilang tanggapin na Siya ngayon din.” Oh ang tindi ng pagkapit ko nun sa aking upuan, dahil tumatawag muli ang Diyos. Mahal kong mambabasa, kung Siya’y tatawag, iyo Siyang tugunin.

Hinding-hindi mawawaglit sa isip ko ang pagdadalamhati ng kaawa-awa kong Tatay at Nanay pagkatapos ng libing. Gusto ko na noon sanang bumalik sa Kanluran pero pinakiusapan ako ng Nanay na manatili na lamang ako at napapayag niya akong manatili kung makahahanap ako sa amin ng trabaho. Nakahanap din naman ako ng trabaho doon sa Public Service Company ng Indiana.

Makalipas ang dalawang taon habang sinusubukan namin kung gumagana nang maayos ang mga metro sa isang pagawaan ng metro sa Gas Works doon sa New Albany, nakalanghap ako ng gas at ilang linggo akong pinahirapan nun. Nagpunta ako sa lahat ng mga kakilala kong doktor. Hindi pa rin naibsan ang sakit na nagpapahirap sa akin. Malubha ang pangangasim ng tiyan ko, na nakuha ko roon sa nalanghap kong gas. Mas lalo pa ’yung lumubha. Dinala na ako sa mga espesyalista sa Louisville, Kentucky. Napag-alaman nilang ’yung apendiks ko pala ’yun at minungkahi nilang kailangan kong maoperahan. Hindi ako makapaniwala dahil hindi naman sumasakit ang aking tagiliran. Sinabi ng mga doktor na tanging opera na lang ang magagawa nila sa akin. Sumang-ayon na rin ako pero pinilit ko silang ’yung bahagi lang na apektado ang turukan ng pampamanhid para hindi ako makatulog at mapanood ko ang pago-opera sa akin.

Oh, gusto kong may tatayo noon sa tabi kong nakakakilala sa Diyos. Naniniwala ako sa panalangin pero hindi ako makapanalangin. Kaya naman sinamahan ako ng isang ministro mula sa Iglesya ng First Baptist doon sa silid kung saan ako ooperahan.

Noong matapos na at inilipat na ako pabalik sa higaan ko, pakiramdam ko’y pahina ako nang pahina. Halos hindi tumitibok ang puso ko. Parang mamamatay na ako. Unti-unting tumitigil ang aking paghinga. Alam kong katapusan ko na ’yun. Oh kaibigan hintayin mo lang na maranasan mo rin kahit minsan ang bagay na iyon, at maiisip mo ang mga kung anu-anong bagay na nagawa mo. Alam ko sa sarili kong hindi ako kailanman nanigarilyo, uminom man ng alak o may kung anong masamang bisyo pero nalalaman ko ring hindi pa ako handang humarap sa aking Diyos.

Kaibigan kung ika’y isang malamig at pormal na miyembro ng simbahan, malalaman mo kapag narating mo na ang hangganan mo na hindi ka pa talaga handa. Kaya kung hanggang ganyan lang ang pagkakakilala mo sa Diyos, nagsusumamo ako sa’yo na diyan mismo sa kinalalagyan mo lumuhod ka at hilingin kay Jesus na pagkalooban ka ng karanasang maipanganak na muli, gaya ng sinabi Niya kay Nicodemo sa ika-3 kabanata ng Juan, at oh tiyak na magbubunyi ang mga kampanilya ng kagalakan. Purihin ang Kanyang Pangalan.