Ang Haliging Apoy



Madalas binabanggit ni Kapatid na Branham ang isang Haliging Apoy na nagpapatibay sa kanyang pagmi-ministeryo. Naroon Iyon noong ipinanganak siya, nasaksihan rin ng libo-libong naroon noon sa pampang ng Ilog ng Ohio, at tila sinusundan siya saan man siya magpunta. 1950 noon nung magbigay and Diyos sa kapuwa mananampalataya at di-mananampalataya ng hindi mapasisinungalingang katibayang ang Haliging Apoy na ito ay nasa naturang propeta.

Nabalot noon ng kontrobersiya ang gabi sa Sam Houston Coliseum. Pinangungunahan ni Kapatid na Branham ang isang rebaybal ng pagpapagaling na patuloy na lumalaganap sa bansa. Bumubuhos na parang ulan ang pagpapala ng Panginoong Jesus sa ibabaw ng espirituwal na taniman ng trigo. Subalit hindi pinalampas ng kritisismo ang naturang mga dakilang tanda at kababalaghan. Gaya nung unang panahon, nagsugo ang kaaway ng tagahamon. Nagtagpo ang dalawang kapangyarihan na ito sa Houston Texas, at bumaba Mismo ang Anghel ng Panginoon upang makipaglaban sa labanan na iyon.

Libo-libo ang naroon upang saksihan ang di-mabilang na himala na pinamamalas ng taong ito ng Diyos. Isang araw bago nun, isang grupo ng mga lokal na ministro ang naghamon sa propetang makipag-debate tungkol sa Makalangit na pagpapagaling, subalit ang tapat at matagal ng kasa-kasama ng propeta ang napiling magsalita sa debate, si Reverend F.F. Bosworth. Isang ministrong Baptist at masigasig na kritiko ng Makalangit na pagpapagaling ang tagapag-salita naman ng mga mapagduda.Natuklasan ng mga pahayagan ang nalalapit na debate, at dali-dali nila itong inilathala sa mismong ulo ng mga balita, “Wawagayway Ang Bandera Ng Mga Teologo Ngayong Alas-7 Ng Gabi Sa Sam Houston Coliseum.”

Kumontrata ang kalaban ng isang propesyunal na taga-litrato, si Ted Kipperman ng Douglas Studios, para kunan ang debate. Nung gabing iyon, nakunan ng ilang litrato si Kapatid na Bosworth na mapagpakumbabang nakatayo habang mapanakot na umasta ang kalaban; at sa isa nga sa mga litrato’y nakaduro ang hintuturo ng kalaban sa mukha ng naturang mapagpakumbabang matanda.

Noong magsimula na ang debate, walang pag-aalinlangang pinatunayan ni Reverend Bosworth ang pagkakaroon ng Makalangit na pagpapagaling sa pamamagitan ng mga patunay mula sa Kasulatan at pagkatapos, para wala nang maiwan pang pagaagam-agam, hiniling niyang magsitayo ang lahat ng napagaling sa kanilang karamdaman. Libo-libo ang tumayo. Pagkatapos na makaupo ng mga napagaling, hiniling naman niyang tumayo naman ang mga napagaling sa pamamagitan ng Makalangit na pagpapagaling na kasalukuyang miyembro ng denominasyon ng kanyang ka-debate. Tatlong daang miyembro ng kanilang iglesya ang tumayo upang buong pagmamalaking ipakita sa lahat ng naroon ang habag na ipinamalas sa kanila ng Panginoong Jesus.

Naghamon ngayon ang kalaban. “Palapitin n’yo rito ang taong ’yan na nagpapagaling sa pamamagitan ng Makalangit na pagpapagaling. Gawin nga niya ang pagpapagaling sa harap namin.” Naipaliwanag na nang malinaw ni Kapatid na Bosworth na tanging si Jesus lamang ang Makalangit na tagapagpagaling, subalit hindi pa rin maawat ang kalaban sa kakasalita. Kaya naman, inanyayahan na ni Kapatid na Bosworth si Kapatid na Branham na umakyat sa entablado. Tinanggap niya ang paanyaya habang sumisigaw ang mga tao ng pagsuporta.

Ang propeta, na puspos ng Banal na Espiritu, ay nag-iwan ng ganitong pahayag:

Hindi ko kayang pagalingin ang sinuman. Sinasabi ko na po sa inyo. Noong ipinanganak ako roon sa Estado ng Kentucky, gaya nga ng ikinuwento sa akin ng aking pinakamamahal na nanay, at nariyan nga’t pinagtitibay ito sa aking buhay, may isang Liwanang noon na pumasok sa kuwarto ng maliit at luma naming tahanan, naroon nga iyon, wala man lang kasahig-sahig, walang kabinta-bintana, ang meron lang kami noon ay isang siwang na nagsisilbing pinaka-bintana, pinaka-pinto, at binukas nila ito nang mga alas-singko ng umaga, at ang Liwanag na ito’y nagpaikot-ikot sa loob at magmamadaling-araw pa lang nun. Mula noon, naroon na Ito at kasa-kasama ko na sa tuwina. Yun ang anghel ng Panginoon. Nagpakita Siya sa akin mga ilang taon na ang nakalipas. Sa buong buhay ko, sinasabi Niya sa akin ang mga mangyayari, at ang sinasabi ko sa mga tao ay ’yun ding sinabi Niya sa akin. At ngayo’y hinahamon ko ang kahit sino saan ka man naroroon, na puntahan n’yo po ang siyudad kung saan ako lumaki, o saan man, lahat ng binitiwan kong pahayag sa Pangalan ng Panginoon, lahat ay naganap gaya ng pagkakapahayag dito.

Pagkatapos niyang sabihin ang mga pahayag na ito, bumaba ang Espiritu Santo sa entablo, at dagli-dagling kinunan ito ng larawan ng taga-litrato. Bumaba na si Kapatid na Branham ngunit nag-iwan siya ng isang simple, ngunit isang pahayag na nakaantabay na palang mangyari: “Ang Diyos ang magpapatotoo. Wala na po akong masasabi pa.”

Agad-agad trinabaho ng mga kasamahan ni G. Kipperman ang pagde-debelop sa mga litrato para mailathala kinabukasan sa mga pahayagan. May napansin siyang kakaiba habang hinahango niya ang unang litrato mula doon sa palanggana ng kemikal na ginagamit sa pagde-debelop. Yung litratong ’yun, gaya nung kasunod na lima pang litrato, mga blangkong lahat. Napahawak na lang siya sa kanyang dibdib at halos mawalan ng balanse nang hanguin niya ang pinakahuling litrato mula roon sa palanggana. Doon, sa pinakahuling litratong ’yun, naroon ang Haliging Apoy na kitang-kita’t nakalutang sa ibabaw ng uluhan ng propeta ng Diyos, na si William Marrion Branham.

Nasaksihan ng mga anak ng Israel ang Haliging Apoy na pinangungunahan si Moises, at gayundin namang nasaksihan ng mga tao ng makabagong panahon ang siya ring Haliging Apoy na pinangungunahan ang isa na namang propeta.

Dagli-dagling ipinasa ang litratong iyon kay George J. Lacy, isang Propesyunal na Manunuri ng Mga Kuwestiyonableng Dokumento para sa U.S. F.B.I., na nagpatunay sa pamamagitan ng kanyang ekspertong opinyon na hindi peke ang litrato. Ang opisyal na dokumentong inilabas ni G. Lacy ay makikita sa kasunod na pahina.

Nangyaring lahat ito noong wala pang mga kompyuter o mga digital na kamera, at walang mailatag na kahit anumang paliwanag dito ang siyensya, maliban sa totoo ngang may aktuwal na Liwanag sa ibabaw ng ulo ni William Branham. Sa kasalukuyan ang litratong ito ay makikita sa United States Library Of Congress, sa kabisera ng bansa, ang Washington DC.