Ang Pangakong Propeta Ng Huling Mga Araw



Nag-iwan ang pinakahuling talatang naisulat sa Lumang Tipan ng ganitong pangako: “Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng PANGINOON: At kanyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang, baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.” (Mal 4:5-6)

Paparating pa lang ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon, kaya nararapat lamang na masigasig nating hanapin ang propeta Elias. Sa Biblia, hindi pumupunta ang mga propeta sa mga sikat at kinamulatang organisasyong pang-relihiyon. Pumupunta sila sa piling kakaunti. Isipin n’yo na lang kung dumating ang propeta ng Malakias 4, at siya ay napalampas. Paano kung katulad niya ang mga propeta ng sinaunang panahon, at iilang mga tao lamang ang nakakilala sa kanya? Kung parating nga ang propetang ito sa huling kapanahunang ito, paano natin siya makikilala? Ang sagot ay lantarang masusumpungan sa Mga Kasulatan. Nasa kanya ang kalikasan ng isang propeta. Matatalos niya ang pinakatatagong lihim ng puso. Magpapamalas siya ng mga himala. Susubukan siyang siraan ng mga organisasyong pang-relihiyon. Subalit may kakaunting hinirang na makakikilala sa kanya na siya nga ang ipinangakong mensahero ng kapanahunan.

Paano natin malalaman kung dumating na ba ang Elias? Anong taglay-taglay niyang katangian ang ipamamalas niya nang sa gayo’y makilala natin siya?

Si Elias ay isang taong mahilig sa ilang. Nakasunod ang mga dakilang tanda at kababalaghan sa kanyang pagmi-ministeryo. Nangaral siya laban sa kasamaan ng kanyang panahon. Pinagtuunan niya ng pansin ang pangangaral laban sa imoralidad ni Reyna Jezebel. Noong kunin si Elias paakyat ng Langit sakay ng isang karwaheng nag-aapoy, naisalin ang kanyang espiritu kay Eliseo. Kaya naman pinagkalooban ng mga dakilang tanda at kababalaghan ang pagmi-ministeryo ni Eliseo, at maging siya’y nangaral laban sa pagsalangsang ng sanlibutan. Ang dalawang propetang ito’y nanindigang mag-isa laban sa mga organisasyong pang-relihiyon ng kapanahunang iyon. Daan-daang taon ang lumipas, ang siya ring espiritung nasa kanila’y nagbalik sa lupa sa katauhan ni Juan Bautista. Nakita na bago pa mangyari ng propeta Malakias na magbabalik si Elias upang ipakilala ang Panginoon: “Narito, aking sinusugo ang aking sugo, at siya’y maghahanda ng daan sa harap ko...” (Malakias 3:1). Saktong-sakto ang propesiyang ito sa katauhan ni Juan Bautista nang hikayatin niyang magsipagsisi ang mga anak ng Diyos sa nagawa nilang pagkakasala. Gaya ni Elias, nangaral siya laban sa hari at mga organisasyong pang-relihiyon ng kanyang panahon. Pinatotohanan din ng Panginoong Jesus sa Aklat ni Mateo (11:10) na si Juan Bautista nga ang propeta ng Malakias 3: “Ito yaong tungkol sa kanya, na nasusulat, Narito, sinugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.” Binabanggit sa Lucas 1:17 na ang espiritu ni Elias (ang Elias) ay naroon nga kay Juan Bautista, “At siya’y lalakad sa unahan ng kanyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak.” Pero pansinin n’yo na ang ikalawang bahagi ng Malakias 4 ay kailangan pang magkaroon ng katuparan: “…at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang, baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.” Ang bahaging iyon ng Kasulatan ay magkakaroon pa lamang ng katuparan bago ang Ikalawang Pagbabalik ni Cristo.

Dalawang libong taon ang nagdaan mula noong narito si Juan Bautista, napapanahon na nga na ang espiritu ni Elias ay magbalik sa lupa.

Dumating na ang araw na ’yan! Sa kapanahunang ito, nasaksihan naming nagbalik na nga ang espiritu ni Elias. Kinalaban niya ang makabagong sistemang maka-denominasyon. Nanindigan siyang mariin laban sa pagsalansang ng sanlibutan. Nagpamalas siya ng hindi mabilang-bilang na mga tanda at kababalaghan. Ipinangaral niya ang Biblia sa pamamagitan ng pagtugaygay sa bawat salitang nakasulat doon mula Genesis hanggang Apocalipsis. Dumating na nga ang propeta ng Malakias 4 gaya ng nakasaad sa propesiya, at dala-dala nga niya ang isang Mensahe mula sa Luklukan ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Ang pangalan ng propetang ito’y William Marrion Branham. Ang tawag namin sa kanya’y “Kapatid na Branham.”

“Si William Branham, na aking pinakamamahal at pinaniniwalaang isang propeta ng Diyos.”

Oral Roberts, isang ebangelistang kilala sa buong mundo at ang nagtatag ng Oral Roberts University.

“Dumating sa buhay natin si William Branham bilang propeta ng Diyos at ipinakita niya sa atin dito sa ika-dalawampung siglo nang saktong-sakto ang siya ring mga bagay na nakikita nating nakasulat sa Mga Ebanghelyo…. Dinalaw na nga ng Diyos ang Kanyang bayan, sapagkat isang dakilang propeta ang lumitaw sa kalagitnaan natin.”

Dr. T.L. Osborn, isang ebanghelistang Pentecostal at matagumpay na manunulat.

“Bago niya ipanalangin ang isang tao, babanggitin niya muna nang saktong-sakto ang mga bagay-bagay tungkol sa karamdaman ng naturang tao, at maging mga bagay-bagay tungkol sa personal nilang buhay – pinanggalingan nilang bayan, pinagkaka-abalahan, mga ginagawa – maging mga bagay-bagay mula pa noong sila’y musmos. Ni minsan ay hindi nagkamali si Branham sa pagtalos ng mga bagay-bagay sa buong panahong nakasama ko siya. At kung makailang beses ’yan, sa nasaksihan ko pa lang, libo-libong pagkakataon na po.”

Ern Baxter, isang ebanghelista, tagapangasiwa para sa Branham Campaigns sa loob ng pitong taon, at isa sa mga kauna-unahang lider ng British New Church Movement.

Hindi pa kailanman nangyari magmula nung lumakad sa lupa ang Panginoong Jesus Cristo na pupukawin ng isang tao ang sanlibutan sa ganitong kadakilang paraan. Mula sa simpleng simula sa isang cabin na iisa lang ang kuwarto doon sa bulubundukin ng Kentucky, hanggang sa Amarillo, Texas noong kunin na siya ng Panginoon sa Tahanan sa langit, ang kanyang buhay ay tuluy-tuloy na napapalooban ng napakaraming sobrenatural na kaganapan. Sa pangunguna ng Anghel ng Panginoon noong 1946, lumikha ang pagmi-ministeryo ni Kapatid na Branham ng isang maliit na ningas na lumaki at nagpaumpisa ng isang panahon ng dakilang rebaybal ng pagpapagaling na kumalat sa buong Amerika at buong mundo. Hanggang sa araw na ito, kinikilala siya ng maraming mananalaysay ng kasaysayang Cristianismo bilang “ama” at “nagpaumpisa” ng rebaybal ng pagpapagaling nung 1950’s na nagpabago sa Iglesya Pentecostal at tuluyang nagbigay daan sa pagkakaroon ng gawaing Charismatic, na sa kasalukuyang panahon ay makikita ang impluwensya sa halos lahat ng denominasyong Protestante. Gayunpaman, sa likod ng lahat ng ito, hindi pinaniniwalaan ng mga denominasyon ang kanyang mga turo’t aral at hindi rin nila pinaniniwalaan ang kanyang pagkakasugo.

Saan man siya magtungo, pinatutunayan ng Diyos na si Kapatid na Branham ay ang propeta ng henerasyong ito. Gaya ni Job, nangusap ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng isang ipo-ipo. Gaya ni Moises, nasaksihan ng mga taong pinangungunahan siya ng Haliging Apoy. Gaya ni Micaya, pinag-initan siya ng mga matataas na lider ng simbahan. Gaya ni Elias, isa siyang taong mahilig sa ilang. Gaya ni Jeremias, isinugo siya ng isang Anghel. Gaya ni Daniel, nagkaroon siya ng pangitain patungkol sa hinaharap. Gaya ng Panginoong Jesus, natalos niya ang pinakatatagong lihim ng puso. At gaya ni Pablo, pinagaling niya ang mga maysakit.

Muling dinalaw ng Panginoon ang Kanyang bayan sa pamamagitan ng isang propeta. Sa pinakamadilim na oras sa kasaysayan, kung saan lubog na lubog na ang moralidad na wala pang ganitong kalalang panahon kailanman at ang mga sandatang nakalaan sa malawakang paglipol ng mundo ay nagbabadya’t abot-tanaw na sa di-kalayuan, isang simpleng lalaki ang sinugo mula sa presensya ng Diyos upang hikayatin ang naghihingalong lipi ng sangkatauhan sa pagsisisi.

Ganito ang isinulat ng minamahal na disipulong Juan patungkol sa Panginoong Jesus:

At mayroon ding iba’t ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, ay inaakala ko na kahit sa sanlibutan ay hindi magkakasya ang mga aklat na susulatin. Amen. (Juan 21:25)

Maaaring gayundin ang masasabi natin patungkol sa buhay ni Kapatid na Branham. Hihigit sa 1,200 ang pangangaral niyang nai-rekord sa teyp na naglalaman ng libo-libong mga kuwento patungkol sa buhay ng magiting na lalaking ito. Maging sa ngayon ay patuloy pa rin tayong makaririnig ng mga bagong patotoo patungkol sa kanyang impluwensya sa buhay ng milyun-milyong katao. Hindi nga kakayaning isalarawan nang lubos ng munting aklat na ito ang napakalaking impluwensya ng taong ito ng Diyos sa sankatauhan.