Juan 14:12

Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.


Marcos 16:17-18

At Lalakip Ang Mga Tandang Ito Sa Magsisisampalataya: Mangagpapalabas Sila Ng Mga Demonio; Sa Aking Pangalan; Mangagsasalita Sila Ng Mga Bagong Wika;

Sila’y magsisihawak ng mga ahas, at kung magsiinom sila ng bagay na makamamatay, sa anomang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga may-sakit, at sila’y magsisigaling.


Mabubuklat nating lahat ang mga pahina ng Biblia at makikitang gumagawa ang Diyos ng mga himala: Hinawi ni Moises ang Dagat na Pula, tumawag si Elias ng tag-tuyot, lumakad si Jesus sa tubig, at nagpagaling ang mga alagad ng mga maysakit.

May libo-libong mga mapaghimalang pangyayari ang naitala sa Biblia. Kung nagpapatotoo ang Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, kung gayo’y nasaan na ang mga himala Niya ngayon? Kaya ba Niyang pagalingin ang kanser gaya ng pagpapagaling Niya ng ketong sa Biblia? Papaano naman ang AIDS o malaria? Kaya pa rin ba Niyang gumawa ng himala? Oo, gumagawa pa rin ang Diyos ng mga himala at nagsisilakip ang mga tandang ito sa mga sumasampalataya.

Ngayon, tingnan n’yo mga kaibigan, isipin ninyo si Haring George ng Inglatera, noong pinagaling siya sa multiple sclerosis, noong nanalangin kami para sa kanya. Isipin ninyo si Florence Nightingale, (ang lola niya, ang nagtatag ng Red Cross), nasa mga animnapung libra ang timbang, naghihingalong nakaratay roon na may kanser sa bituka, nakaratay roon na nag-aagaw-buhay. Isang munting kalapati ang lumipad sa palumpong doon at dumating ang Espiritu ng Diyos at nagsabi, “GANITO ANG SABI NG PANGINOON, mabubuhay siya.” At tumitimbang na siya ng sandaan at limampu’t limang libra at ganap nang malusog.

Isipin ninyo si Kongresman Upshaw na di makatayo sa upuan at higaan sa pagdaan ng mga taon, sa loob ng animnapu’t anim na taon. At sa isang iglap ay tumayo sa kanyang mga paa, nagtatakbo sa buong gusali, hinipo ang mga daliri ng kanyang paa, at ganap na naging normal at magaling na.

Isipin n’yo na lang ang libo-libong kataong napagaling. Bakit tayo mananatili rito hanggang sa mamatay tayo? Kailangan nating kumilos.

Manampalataya ka kung ikaw ay may sakit o nangangailangan. Sinasabi ng Biblia na si Jesus Cristo ay siya pa ring kahapon, at ngayon, at magpakailanman, kaya kung nakagawa siya ng himala dalawang libong taon na ang nakararaan, kung gayo’y kaya Niyang gawin ang gayundin ngayon. Ipinangako Niya sa atin na pinagaling na tayo, kung tayo ay mananampalataya lamang.

Kongresman Upshaw

si William D. Upshaw ay naglingkod ng walong taon sa Camara de Representatantes ng Estados Unidos at tumakbo sa pagkapangulo noong 1932. Isang aksidente sa pagsasaka ang pumaralisa sa kanya nang siya ay bata pa, at gumugol ng 66 na taon na nakasaklay o nakasakay sa silyang de gulong. Noong 1951, siya ay lubos na napagaling at ganap nang nakalakad nang maayos sa nalalabi pa niyang buhay.

 
Florence Nightingale

si Florence Nightingale, isang malayong kamag-anak ng tanyag na nars, ay nagkaroon ng malalang kanser sa tiyan. Ipinadala niya ang larawang ito bilang huling kahilingan para sa panalangin bago lubusang kunin ng kanser ang kanyang buhay. Gaya ng nakikita ninyo, nasa dulo na siya ng kamatayan bago siya pinagaling ng Panginoong Jesus noong 1950. Ang kasunod na larawan ay nakunan pagkatapos ng kanyang kagalingan at ipinadala bilang patunay na nagpapagaling pa rin ang Diyos ng mga may karamdaman.


Tris Griffin

si Tris Griffin ay nagtungo sa tanggapan ng doktor sa pasimula ng 2013 dahil sa pananakit ng likod na ikinatatakot niyang maaaring panunumbalik na kanyang pakikipaglaban sa kanser. Ipinakita ng isang MRI ang isang “aortic dissection” sa kanyang puso, na nagtulak sa mga doktor na magsagawa ng karagdagang eksaminasyon at nagtakda ng isang agarang operasyon sa sumunod na araw. Ang guhit sa puso sa larawan ay isang maliwanag na bitak na maaaring mangahulugan ng isang daglian at halos tiyak na kamatayan kung malalagot.

Nang sumunod na araw, pagkatapos siyang maipanalangin ng mga mananampalataya, nagsagawa ang mga doktor ng panibagong CT scan upang matukoy ang kinalalagyan ng bitak bago ang operasyon. Sa pagkakataong ito, ang mga larawan ay nagpakita na ng lubos na malusog na puso. Sa labis na pagtataka, sinabi ng doktor kay Gng. Griffin, “Hindi ko alam kung ano’ng sasabihin sa iyo. Nagkaroon ka ng aortic dissection, ngunit ngayo’y wala nang lahat ang ebidensya.” Ipinakita niya sa kanya ang mga larawan bago ang pananalangin, at saka pagkatapos. “Malaya ka nang makauwi, at siyanga pala, wala na ring tanda ng kanser. Ganap ka nang malusog.”

 

Nakaturo ang panuro ng doktor sa aorta, ang maitim, at pabilog na bagay sa gitna ng larawan. Ang pahiris na linya rito ay aneurism, o “diseksyon” ng aorta, na nangangailangan ng agarang operasyon at nakamamatay kapag nalagot. Isa pang scan ang kinuha nang sumunod na araw. Lubusan nang nawala ang diseksyon at hindi na nagbalik kailanman.

Mga Sanggunian

Mga Awit 103:2-3

Purihin mo ang PANGINOON, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa:

Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;

Isaias 53:5

Nguni’t siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.

Marcos 16:17

At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya; mangagpapalabas sila ng mga demonio sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika;

Lucas 17:6

At sinabi ng Panginoon, Kung mangagkaroon kayo ng pananampalataya na kasing laki ng isang butil ng binhi ng mostasa, sasabihin ninyo sa puno ng sikomorong ito, Mabunot ka, at matanim ka sa dagat; at kayo’y tatalimahin.

Juan 14:12

Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.

I Mga Taga Tesalonica 1:5

Kung paanong ang aming evangelio ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din naman, at sa Espiritu Santo, at sa lubos na katiwasayan; na gaya ng inyong nalalaman kung anong pagkatao namin ang aming ipinakita sa inyo dahil sa inyo.

Mga Hebreo 2:3-4

Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan na ipinangusap ng Panginoon noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig;

Na pawang sinasaksihan naman ng Dios na kasama nila, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban.

Mga Hebreo 13:8

Si Jesucristo ay siya ring kahapon at ngayon, oo at magpakailan man.

Santiago 5:15

At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung nagkasala siya, ay ipatatawad sa kaniya.

I Pedro 2:24

Na siya rin ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa ibabaw ng kahoy, upang pagkamatay natin sa mga kasalanan, ay mangabuhay tayo sa katuwiran; na dahil sa kaniyang mga sugat ay nangagsigaling kayo.