Juan 5:28-29

Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka’t dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig,
At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.


Darating ang isang araw kung kailan ang bawat isa sa atin, maging Cristiano man o hindi, ay makaaalam kung ano ang nasa kabila ng tabing ng panahon. Nangangako ang Biblia ng Walang Hanggang Buhay sa ilan, at sa iba, nangangako ito ng kapahamakan. Ang bawat tao sa buong kasaysayan ay tiyak na itinanong na sa kanyang sarili, “Ano ang mangyayari sa akin kapag ako’y namatay?”

Mahabang panahon bago pa man nagkaroon ng isang Biblia na mababasa, pinagmasdan na ni propeta Job ang kalikasan. Nangusap siya tungkol sa pag-asa ng isang punongkahoy, kung papaanong ito’y puputulin at mamamatay, gayon pa ma’y sa pamamagitan ng amoy ng tubig, nanunumbalik ang buhay nito at naglalabas ito ng mga sariwang usbong. Alam ni Job na ang isang tao, tulad ng punongkahoy, ay muling babangon sa buhay:

Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking pagbabago.

Ikaw ay tatawag, at ako’y sasagot sa iyo: ikaw ay magtataglay ng nasa sa gawa ng iyong mga kamay.

Nguni’t ngayo’y binibilang mo ang aking mga hakbang: hindi mo ba pinapansin ang aking kasalanan? (Job 14:14-16)

Maaaring hindi noon nagkaroon ng Biblia si Job para makapagbasa, subalit alam niyang isang araw ay bubuhayin siyang mag-uli ng Diyos mula sa libingan kapag dumating na ang Manunubos ng sangkatauhan.

Oh mangasulat nawa ngayon ang aking mga salita! oh mangalagda nawa sa isang aklat!

Ng isa nawang panulat na bakal at tingga, na mangaukit nawa sa bato magpakailan man!

Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:

At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman: (Job 19:23-26)

Nangungusap ang propeta tungkol sa Panginoong Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli ng Kanyang bayan. Sa kapahayagan ay alam ni Job na bagamat maaaring lubos na malanta ang ating mga katawan, ipananauli ni Jesus ang ating mga katawan. At sa ating sariling mga mata, makikita natin ang Kanyang Pagparito. Pinananabikang makita ng lahat ng mga tao ng Diyos ang maluwalhating araw na iyon.

Datapuwat, kung papaanong tiyak na may Diyos, mayroon ding diyablo; at kung papaanong tiyak na may Langit, ay mayroon ding impiyerno. Ang mga gantimpala ay mas mataas pa kaysa sa kaya nating arukin. Sinabi ng Apostol Pablo na, “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, ang mga bagay na inihanda ng Diyos sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.” (I Cor. 2:9)

Hindi kayang unawain ng ating mga isipan kung gaanong kadakila ang Langit, at ni hindi rin nila kayang unawain ang mga kakilakilabot ng impiyerno. Sinabi sa atin ni Jesus na napakasama ng impiyerno na magiging mas mabuti pa kung puputulin natin ang isang sangkap ng ating katawan kaysa makipagsapalarang mapunta sa kakilakilabot na lugar na iyon.

At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay: (Marcos 9:43)

Kaya sino ang mapupunta sa Langit? At sino ang mapupunta ng impiyerno? Nakalulungkot itong isipin, subalit sinabi ni Jesus na karamihan sa mga tao ay ayaw tanggapin ang gantimpalang nakahanda Niyang ipagkaloob: Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagkat maluwang ang pintuan, at malapad ang daan, na patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok. Sapagkat makipot ang pintuan, at makitid ang daan, na patungo sa buhay, at kakaunti ang nangakakasumpong noon. (Mat 7:13-14)

Sinabi rin ni Jesus, “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan? at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” (Mat 7:21-23)

Dahil lang sa nag-aangkin ng Cristianismo ang isang tao ay hindi nangangahulugang ligtas na siya. Kaya, ito ang malinaw na tanong sa ating mga isipan: Papaano ako makatatamo ng Buhay na Walang Hanggan? Binigyan tayo ni Jesus ng isang napakasimpleng sagot: Katotohanan, katotohanang, sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol; kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan. (Juan 5:24)

Sa kasawiang-palad, may iilan lang na mga tao sa sanlibutan ngayon ang nakahandang gumugol ng oras mula sa kanilang abalang mga araw upang makinig sa Salita ng Diyos. At may mas kakaunti pang maniniwala sa Salita kapag narinig na nila ito.

Sinasabihan tayo ng mga iglesya na maging mabuting tao, mag-isip nang positibo, huwag magsinungaling, mandaya, o magnakaw, at patutungo tayo sa Langit. Hindi nila nauunawaan na mapupuno ang impiyerno ng mga taong tila naman namumuhay ng mabuting pamumuhay. Ang totoo niyan hindi tayo patutungo ng Langit dahil sa ating mga matuwid na gawa o dahil kabilang tayo sa isang iglesya. May iisang daan lamang patungo sa Buhay na Walang Hanggan, at iyon ay sa pamamagitan ni Jesus Cristo. Inatasan Niya tayo na dapat nating SAMPALATAYANAN ang Kanyang Salita, ang Biblia. Kung hindi, papaano tayo maliligtas?

Kapag dumating na ang araw ng paghatol para sa iyo, maririnig mo kaya, “Pumarito ka, pinagpala ng aking Ama, manahin mo ang kahariang nakahanda sa iyo buhat nang itatag ang sanlibutan,” (Mat 25:34) o maririnig mo, “Lumayo ka sa akin, ikaw na sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel”? (Mat 25:41)

Sa pagbasa ng iyong mga mata sa mga salitang ito, may kailangan kang pagpasyahan: Pipiliin mo bang sampalatayanan ang Salita ng Diyos?

Saan mo gugugulin ang walang hanggan?







Mga Sanggunian

Job 14:12-16

Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila’y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.

Oh ikubli mo nawa ako sa sheol. Na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa ang iyong poot ay makaraan, na takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at iyong alalahanin ako!

Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pakikipagbaka ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang pagbabago.

Ikaw ay tatawag, at ako’y sasagot sa iyo: ikaw ay magtataglay ng nasa sa gawa ng iyong mga kamay.

Nguni’t ngayo’y binibilang mo ang aking mga hakbang: hindi mo ba pinapansin ang aking kasalanan?

Job 19:23-26

Oh mangasulat nawa ngayon ang aking mga salita! Oh mangalagda nawa sa isang aklat!

Ng isa nawang panulat na bakal at tingga, na mangaukit nawa sa bato magpakailan man!

Nguni’t talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan:

At pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman:

Mateo 7:21-23

Hindi ang bawa’t nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.

Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo’y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?

At kung magkagayo’y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma’y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.

Mateo 22:14

Sapagka’t marami ang mga tinawag, datapuwa’t kakaunti ang mga nahirang.

Juan 3:16-17

Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.

Juan 5:24

Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.

I Mga Taga Corinto 2:9

Datapuwa’t gaya ng nasusulat, Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, Ni hindi pumasok sa puso ng tao, Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.

I Mga Taga Tesalonica 4:13-18

Nguni’t hindi namin ibig na kayo’y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog; upang kayo’y huwag mangalumbay, na gaya ng mga iba, na walang pagasa.

Sapagka’t kung tayo’y nagsisisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na maguli, ay gayon din naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya.

Sapagka’t ito’y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon, na tayong nangabubuhay, na nangatitira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog.

Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli;

Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailan man.

Kaya’t mangagaliwan kayo sa isa’t isa ng mga salitang ito.