Malakias 4:1

Sapagka’t, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno...


Malakias 4:5-6

Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng PANGINOON.
At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.


Nangangako ang huling Aklat ng Lumang Tipan ng pagkawasak ng sanlibutan. Subalit bago ang wakas, inihulang babalik si Elias na propeta at ipakikilala ang Mesiyas. Sinasabi ng ilan na tinupad na ni Juan Bautista ang propesiyang ito.

Dalawang libong taon na ang nakararaan, inasahan ng mga Hudyo na darating ang Mesiyas. Alam nilang nagpropesiya si Malakias na ipakikilala sa kanila ng isang taong nagtataglay ng espiritu ni Elias ang Mesiyas. Ngunit noong dumating si Juan Bautista, hindi siya ang inaasahan nilang magiging Elias. Noong tinanong nila si Jesus tungkol sa kung bakit hindi naunang dumating si Elias, malinaw Niyang sinabi sa kanila na si Juan ang katuparan ng propesiyang iyon. “At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya’y si Elias, na paririto.” (Ang Elias ay ang katumbas sa Griyego ng Hebreong pangalan na, Elijah.)

Maliit na grupo lamang ng mga tao ang tumanggap sa kapahayagang ito. Para sa karamihan ng mga pinuno ng relihiyon, si Juan ay isa lamang na labis na masigasig na kritiko ng kanilang mga organisasyon. Hindi lang nila di-nakilala ang espiritu ni Elias, kundi ang malala pa, napalampas din nila ang Pagparito ni Cristo.

Kung gayo’y tinupad nga ba ni Juan Bautista ang propesiya ni Malakias? Hindi lahat.

Una sa lahat, ang sanlibutan ay hindi pa “nagningas na parang hurno”, kaya alam natin na mangyayari pa lang ang ibang bahagi ng Malakias 4. Ang isa pang bahagi ng Kasulatan na hindi natupad ni Juan ay, “papagbabaliking-loob ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang.” At, si Jesus, Mismo, ay nagpropesiya na si Elias ay paririto (panghinaharap) at isasauli ang lahat ng mga bagay. (Mat 17:11)

Samakatuwid ay dapat tayong magmatyag para kay Elias bago ang Ikalawang Pagparito ni Cristo!

Ngayon, sa makabagong panahong ito, panahon na para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesus. Muli, ipinangako sa atin na ipakikilala Siya ng espiritu ni Elias sa atin ayon sa Malakias 4. Subalit anong grupo ba ng mga tao ang makakikilala kay Elias pagparito niya? Yaon lamang mga naghihintay sa kanya.

Naipapaalala sa atin ang Mga Salitang ito ng ating Panginoon at Tagapagligtas kapag naiisip natin ang propesiya ni Malakias para sa mga oras na ito ng pagwawakas ng panahon:

Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, Na naparito si Elias, at hindi nila siya nakikilala... Mateo 17:12

Papaano kung mapalampas natin ang pagparitong ito ni Elias? Mapalalampas ba natin kung gayon ang Ikalawang Pagparito ni Cristo, gaya ng napalampas ng mga eskriba at mga Fariseo ang Kanyang Unang Pagparito dahil sa hindi nila napagkilala si Juan Bautista?

 

 

 

 

Mga Sanggunian

II Mga Hari 2:15

At nang makita siya ng mga anak ng mga propeta na nangasa Jerico sa tapat niya, ay kanilang sinabi, Ang espiritu ni Elias ay sumasa kay Eliseo. At sila’y nagsiyaon na sinalubong siya, at sila’y nangagpatirapa sa lupa sa harap niya.

Isaias 40:3-4

Ang tinig ng isang sumisigaw, Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng PANGINOON pantayin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Dios.

Bawa’t libis ay mataas, at bawa’t bundok at burol ay mabababa; at ang mga bakobako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag: [si Juan Bautista]

Malakias 3:1

Narito, aking sinusugo ang aking sugo [si Juan Bautista], at siya’y maghahanda, ng daan sa harap ko: at ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang paroroon sa kaniyang templo; at ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito, siya’y dumarating, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.

Malakias 4:1-6

Sapagka’t, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno [hindi pa nangyayari yun]; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, na anopa’t hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.

Nguni’t sa inyo na nangatatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak; at kayo’y magsisilabas, at magsisiluksong parang guya mula sa silungan.

At inyong yayapakan ang masasama; sapagka’t sila’y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa kaarawan na aking gawin, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.

Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga’y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.

Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng PANGINOON.

At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak [si Juan Bautista], at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang [ang pangkasalukuyang Elias], baka ako’y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.

Mateo 11:10

Ito yaong tungkol sa kaniya’y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo. [Malakias 3:1, si Juan Bautista]

Mateo 11:14

At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya’y si Elias na paririto. [si Juan Bautista]

Mateo 17:11-12

At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay: [Ang pangkasalukuyang Elias]

Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila. [Juan Bautista]

Lucas 1:17

At siya’y lalakad sa unahan ng kaniyang mukha na may espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papagbaliking-loob ang mga puso ng mga ama sa mga anak, at ang mga suwail ay magsilakad sa karunungan ng mga matuwid, upang ipaglaan ang Panginoon ng isang bayang nahahanda. [Juan Bautista]